Tuesday, June 15, 2010

BAKIT UMAAKYAT SA HALAMAN ANG SUSO

Di-umano, noong bata pa ang daigdig, ang mga hayop ay sama-samang naninirahan sa isang bayan-bayanan. Sa isang munting bahay ay nagkasundong magsama ang magkakaibigang dalag, tutubi, putakti, at suso.

Napagkaisahan ng apat na hatiin ang mga gawaing-bahay nang ayon sa kani-kanilang lakas at kakayahan. Si Dalag, na siyang pinakamaliit at pinakamalakas sa kanila, ang ginawang pinakapuno ng sambayanan. Bilang puno’y tungkulin niyang humanap ng kanilang pagkain.

Si Tutubi ang nahirang na maging sugo sapagkat siya ang pinakamatulin sa kanilang lahat.

Dahil naman sa kanyang kamandag na kagat, si Putakti ang napiling maging tanod. Bukod sa pagiging bantay, siya rin ang magkukumpuni ng anumang sira ng pira-pirasong lupa at iba pang sangkap sa bahay.

Si Suso ang naatasang maging tagapagluto dala ng kabagalan.

Isang araw ay maagang humanap si Dalag ng kanilang maiuulam. Sa paglangoy niya nang paroo’t parito sa pagitan ng mga halamang-tubig ay nakatanaw siya ng isang bagay na gumagalaw sa ibabaw ng tubig. Lumapit siya at nakitang isang matabang palaka ang kumakawag. “Aba, kapalaran ko na iot!” ang naibulong ng Dalag. “Makapag-uulam kami ng masarap.!” At pagkasabi nito’y buong bilis na sinagpang ang palaka. Mariin at mahigpit ang ginawa niyang kagat upang hindi makawala ang huli. At siya’y lumangoy na pauwi.

Subalit, laking kasawian. Isa palang munting kawit na may sima ang nakakabit sa palaka. Anumang palag ang kanyang gawin ay hindi siya makahulagpos sa tagang tumimo sa kanyang ngalangala. Di nagtagal ay may dumating na isang mangingisda. Dinakma siya at isinilid sa buslo. At pagdating sa kanyang kubo’y iniluto ng mangingisda si Dalag.

Mangyari pa, nainip sa paghihintay ang mga kasambahay ni Dalag. Sa pag-aakalang naligaw lamang, inatasan ng magkakasama si Tutubi upang siya’y hanapin.

Bago lumakad ay mahabang oras munang inayos ni Tutubi ang kanyang kurbata. Lipad dito, lipad doon ang kanyang ginawa. Sa paghahanap niya’y nakita si Bolasi, isang isdang labas-masok ang bural na labi. Nagalit si Tutubi. Akala niya’y pinagtatawanan ni Bolasi ang kanyang kurbata. Inisip niyang baka maluwag ang pagkakatali ng kurbata kaya hinigpitan ito. Gayunman’y patuloy pa rin ang pagtawa ni Bolasi tuwi silang magkakaharap. Sa gayo’y patuloy rin ang paghigpit ni Tutubi sa kanyang kurbata. Sa kahihigpit niya’y naputol ang kanyang leeg.

Dalawang araw na ang nakararaan ay wala pa rin si Dalag at si Tutubi. Gutom na gutom na si Putakti at si Suso. Si Putakti ang higit na nakakaawa sapagkat hindi maaaring kumain ng putik na tulad ni Suso. Nang sukdulan na ang kanyang kagutuman ay lumipad si Putakti upang hanapin si Dalag at si Tutubi. Naging maliit na maliit na ang kanyang baywang dahil sa patuloy niyang paghihigpit ng sinturon. Habang lumilipad ay pahapdi ng pahapdi ang kalam ng kanyang sikmura. Dahil sa paghihigpit niya ng sinturon, siya ay namatay.

Napag-isa si Suso. Tinangka niyang hanapin ang mga kasama. Habang daa’y lumuluha siya. Sa paghahanap niya’y putik lamang ang kanyang kinakain. Tuwing makakikita siya ng puno ng damo o kaya’y tangkay ng anumang halamang-tubig ay pagapang niyang aakyatin. At siya’y tatanaw sa buogn paligid. Buo ang kanyang pag-asang makikita ang sinuman sa mga kaibigang nawawala.

Hanggang sa ngayon, ang mga Suso’y patuloy na naghahanap na lumuluha. Ang malagkit at malapot nilang luha’y nakaguhit sa kanilang dinaraanan. At tuwi namang makatatagpo ng puno ang damo o halamang nakaungos sa ibabaw ng tubig ay inaakyat ito. At mula rito’y tatanaw sa lahat ng dako sa pagbabasakaling masumpungan an pinaghahanap ng mga kasambahay.