Nakakita nab a kayo ng dapo? Ito’y nabibilang sa pamilya ng halamang kumakapit at umaasa sa ibang puno. Sa loob ng maraming taon, ang dao’y nagkaroon ng iba’t-ibang hugis, kulay at anyo. Narito ang isang alamat ng dapo…
Maligaya ang mag-anak na Andoy. Bagaman hindi sila nakaririwasa ay di naman masasabing naghihikahos. Pagsasaka, pangmamanukan, at pangangahoy ang kanilang ikinabubuhay. Iisa ang supling ng angkan, si Mario, na mag-aanim nang taon.
Isang araw. Samantalang si Mang Andoy ay nasa gubat, na malapit lamang sa kanila, ay makarinig siya ng iyak. Isang batang halos kasinlaki’t kasinggulang ni Mario ang kanyang nakita. At hayun! Isang sawa ang handa nang lumingkis dito. Maliksing kumilos si Mang Andoy. Sa isang unat-kilikiling taga’y napigtas niya ang ulo ng nakabiting sawa.
Daproso ang pangalan ng bata, ulila nang lubos, at nabubuhay nang pagayun-gayon lamang. Sa habag ng butihing mag-anak ay inampon na nila ito.
Nagmahalan namang parang tunay na magkapatid si Mario at si Dapo – ang palayaw na kanilang ibinigay.
Maraming taon ang dumaan. Sabay na nagbinata ang dalawa. Minsan, sa kanilang pamamasyal sa bayan ay nakilala nila si Aida, isang magandang binibining pinipintuho ng maraming binata.
“Liligawan ko si Aida. At oras na umoo’y pakakasal kami. Anong palagay mo, ha, Dapo?” isang gabi’y naihayag ni Mario sa kapatid.
“Ha! E, bakit? Oo! Sigi!” ang di-magkandatutong bigkas ni Dapo.
Sa halip matuwa’y nalungkot si Dapo. Umiibig din siya kay Aida. Ang totoo’y napagtapatan na iya ito. Subalit si Mario rin ang naging mapalad. Isang maitim na balak ang nagsupling sa puso ni Dapo.
Lumipas ang maraming araw. Maligaya si Aida sa piling ni Mario at ng mga biyenan. Sa isang dako naman ay patuloy si Dapo sa lihim na paghahanda.
Isang umaga, sa loob ng gubat. Matiwasay si Mariong namumulot ng mga tuyong sanga nang bigla na lamang siyang paluin ni Dapo sa ulo. Nalugmok siya’t nawalan ng malay-tao.
“A, sa wakas ay masasarili ko na rin si Aida!” anang traidor na umasang lalamunin si Mario ng naglisaw na hayop sa gubat. Nagtutumulin siyang umuwi. At pagdaka’y tinangkang pagsamantalahan si Aida.
Nanlaban ang nabiglang si Aida. Sumaklolo ang mag-asawang Andoy. Subalit walang pakudangang pinatay ni Dapo ang dalawang kulang-palad na matanda. Tumakas si Aida at nagtago sa gubat. Ngunit nasundan din siya ng halimaw na si Dapo. Masusukol n asana siya ang isang sawang-bitin ang kagyat na pumulupot sa katawan ng hudas. Bangkay na si Dapo nang masadlak sa isang malakin sanga. Napaluha rin si Aida. At pagkuwa’y lumayong litung-lito. Sa paglalakad niya’y anuba’t nasumpungan ang nakabulagtang asawa. Pinagyaman niya si Mario. Nang matauhan ito’y tinungo nila ang punong kinasadlakan ng bangkay ni Dapo.
Nagtaka sila. Wala na roon ang katawan ni Dapo. Sa halip ay isang halamang may tila-ahas na ugat na nagyuyumakap sa sanga ang kanilang natingala. Hindi nila makuro ang kanilang nakita.
Lalong nanggilalas ang mag-asawa nang pagkaraan ng ilang linggo’y nakita nilang napakalago na ang halamang nakisuno lamang. Tigib yaon ng mala-ahas na mga ugat na nakapulupot sa buong katawan ng punong ngayo’y unti-unting nang namamatay.
“Ang halamang iyan ang katauhan ni Daproso – nakikisuno, lumilingkis, at pumapatay!” patalinghagang nasabi ni Mario sa asawa.
Mula noo’y lumaganap na ang kakaibang halamang itong kinatatakutan at pinangingilagan ng ibang puno. At mula noo’y nakilala na rin sa tawag na DAPO.