Tuesday, June 15, 2010

ALAMAT NG PARU-PARO

May isang matandang kuwentong nagpasalin-salinsa maraming bibig.

Di umano, si Amparo at si Marcela ay ulilang magkapatid. Sa isang liblib na nayon, sa lalawigan ng Kabite, sila naninirahan. Si Amparo ang nakatatanda. Paro ang kanyang palayaw. Sela naman ang palayaw ng nakababata. Sila’y kapuwa dalagita na.

Ang ikinabubuhay ng magkapatid na maagang nangulila sa magulang ay pagtitinda ng mga inaaning gulay at bulaklak.

Magkasalungat ang kanilang ugali. Kung ano ang kasipagan ni Marcela ay siya rin namang katamaran ni Amparo. Ang kinahuhumalingang gawin ng huli ay pagsamyo sa mga bulaklak, paglalaro sa pampang ng ilog, at panonood sa mga nagliliparang ibon. Hindi niya iniintindi ang anumang Gawain sa bahay. Ni hindi siya maaasahang magdilig, maggambol, at mag-alis ng mga uod at kulisap sa mga halaman. Kinayayamutan din niya ang pagsasaing, ang paghuhugas ng pinggan, ang pagpupunas ng sahig, at iba pang gawaing-bahay. Anupa’t si Marcela ang gumagawa ng lahat.

At, tulad ng ibang “matigas ang katawan,” si Amparo pa ang may ganang magalit kapag nabalam ang kanilang pagkain.

“Ang bagal-bagal mo namang kumilos!” singhal niya kay Marcela. “Nakita mo nang gutom na ako’y hindi ka pa naghahain!”

“Pasensiya ka na, Paro,” malumanay na itutugon ng mapagpaumanhing si Sela.

Pag nakita naman ni Amparo na hindi masarap ang kanilang ulam ay agad nang magbubunganga.

“Ang pangit naman n gating ulam! At walang kalasang-lasa,” ani Paro.

“Hamo’t pagnakabenta ako ng maraming gulay at bulaklak ay ibibili kita ng masarap na pagkain,” ani Sela.

“Sawang-sawa na ako sa ganyang klaseng ulam!”

Nalagot na ang pisi ng pagpapaumanhin ni Sela. “Ikaw kasi, e, masyadong tamad. Kung tumutulong ka bas a akin, di kikita tayo ng mabuti-buti. At sa gayo’y masusunod mo’ng iyong maibigan.”

“Ha! Diyata’t ibig mo pa akong alilain! Hindi maari! Ako ang nakatatanda, kaya ang gusto kong masusunod,” at pagwika nito’y nagtutumuling pumanaog si Amparo. Dumaan siya sa kanilang hardin at pumitas ng isang rosas bago nagtuloy sa pampang ng ilog.

Napaiyak na lamang si Marcela sa inasal ng kapatid. Lumuluha siyang napaluhod sa harap ng kanilang munting altar. Mataimtim siyang nanalangin. Hiniling niya sa Bathala na pagbaguhin ang ugali ng kapatid.

Samantala, wiling-wili si Amparo sa pananalamin sa malinaw na tubig. Inilagay pa niya sa ulo ang bulaklak ng rosas. Dumukwang siya sa pampang iupang makita ang kanyang anyo. Subalit siya’y nawalan ng panimbang. Tuloy-tuloy siyang nahulog sa malalim na ilog.

Nagkataon namang dumarating na noon si Marcela. Sumunod siya sa kapatid upang alamin kung ano ang ginagawa nito sa ilog. Kitang-kita niya ang pagkahulog ni Amparo.

“Paro! Paro…!’ sigaw niya habang lumalapit.

Ngunit hindi na lumitaw si Amparo. Nagpagibik si Sela. At nagdatingan naman ang maraming tao. May sumisid at kumapa sa ilalim ng tubig. Datapwat hindi na nakita ang lumubog na dalagita.

Habang nagmamasid at naghihintay ng mangyayari, nakita ng mga taong nasa pampang ang isang bulaklakna lumitaw sa lugar na kinalubugan ni Amparo. Ang bulaklak ay unti-unting gumalaw at nagbago ng anyo. Unti-unti ring nagkapakpak na may sar-saring kulay. At pagkuwa’y lumipad.

Sinundan nina Marcela ang mahiwagang bagay na lumilipad. Yao’y tuwirang nagtungo sa kanilang hardin, nagpalipat-lipat sa mga bulaklak, at humahalik sa bawat isa.

Kinabahan si Marcela. At wala sa sarili’y nabigkas niya ang “Paro! Paro….!

Ang marikit at makulay na insekto at tinawag ng mga tao na PARU-PARO - ang kasuyo ng mga bulaklak.