Bagaman maliit pa sa darili ang butiki ay maituturing na katulong ng tao laban sa mga insektong pumapasok sa loob ng bahay. Hindi siya naninira ng anuman. At lalong hindi nananakit ng tao. Kaya, ang sinumang malagpakan o makapitan nito ay huwag titili o magtatatarang. Palisin lamang o ipagpag ang nakapitang damit at siya’y kusang mahuhulog.
Napansin ba ninyo na tuwing magtatakipsilim ay bumababa at humahalik sa lupa ang mga butiki, saan man sila naroroon? Alam ninyo ang dahilan? Naito…..
Noong araw, sa isang bayan sa katagalugan, ay may isang napakagandang binibini. Tawagin natin siyang Maria. Marami siyang manliligaw. Ang isa rito ay binatang bukid. Pangalanan naman natin siyang Tikyo.
“Totoo ba, Tikyo, na ipagkakaloob mo sa akin ang anumang bagay na mahiling ko sa iyo?” tanong ng dalaga minsang silang nagkausap ni Tikyo.
“Oo, sa abot ng aking kahirapan,” maagap na tugon ng binata.
“Kung gayo’y dalhin mo sa akin ang puso ng iyong na,” matalinghagang hiling ni Maria.
“Ngayon din! Ngayon din!” ani Tikyon na hindi na nag-isip pa. pagkapaalam ay nagtutumulin siyang umuwi. Magdarapit-hapon na
Pagdating sa kanila’y tuwiran niyang tinungo ang kusina. At dinampot ang naroong matalim na pisaw.
“Anak, me puto riyan sa pamingganan. Kumain ka,” masuyong wika ng kanyang ina nang maramdamang siya’y nasa kusina.
Hindi umimik si Tikyo. Sa halip ay marahang lumapit sa walang malay na ina. Hindi napansin ng matanda at sa isang kisap-mata’y natigpas ang leeg ng kahabag-habag na magulang. Ni hindi man nakapaghesusmariahosep ang sawimpalad na matanda.
Walang inaksayang sandali si Tikyo. Mabilis na biniyak ang dibdib ng bangkay at dinukot ang puso nito. Patakbo siyang pumanaong na hawak sa dalawang palad ang duguan, maliit, at halos pumipintig.
“A, ngayo’y tiyak na iibigin na ako ni Maria!” natutuwa niyang bulong. Subalit sa kanyang pagmamadali ay nadupilas siya sa hagdan. Bog! Kay lakas ng nalikha niyang kalabog.
Nasungabang siya. At sa pagkakadapa ay nabitawan ang puso. Tumilapon yaon. Tumayo siya upang yao’y pulutin. Ngunit anumang pagpipilit na gawin ay hindi na siya makabango. Sa gayo’y paggapang niyang nilapitan ang puso. Sa kanyang panggigilalas ay malumanay yaong nangusap.
“Anak ko, bakit ka gumawa ng ganito? Nalimutan mo na bang ako ang in among nagbigay sa’yo ng buhay? At nalimutan mo na bang may Diyos?...
“Ang inasal mo, Tikyo, ay kasumpa-sumpa. Dapat kang parusahan upang din a pamarisan!”
Nagsisi siya. Datapwat huli na ang lahat. Pinilit niyang abutin ang puso. Hahagkan niya yao’t hihingan ng tawad. Subalit nang maaabot na lamang niya ay biglang bumuka ang katapat na lupa at yao’y nilunon. Nagsalita siya ngunit walang namulas sa kanyang mga labi kundi mahinang “Tik-ki, tik-ki…”
Sa isang iglap, siya’y naging isang kakaibang munting hayop – Butiki.
Paggapang siyang pumanhik sa kanilang bahay. At nagsimulang humuli’t kumain ng maliit na insekto. Mula rin